Biyernes, Abril 13, 2012

ANG UNANG SALIGAN: ANG BAUTISMO (PAGBIBINYAG)



Dapat ninyong malaman-kahabagan nawa kayo ni Allaah, na sinabi ni Lucas sa kanyang ebanghelyo na si Jesus ay nagsabi: (sinuman ang mabinyagan ay papasok sa Paraiso, at sinumang hindi nabinyagan ay mapapasa-Impiyerno habang-panahon. Marcos 16:16). Sabihin sa kanila: si Abraham, Moses, Isaac, Jacob, at ang lahat ng mga Propeta ay makapapasok ba sa Paraiso o hindi? Kailangan nating sabihin na sila ay papasok sa Paraiso; ngunit paano silang papasok sa Paraiso kung hindi sila nabinyagan? Sasagot sila dito na ang pagtutuli ay sapat na para sa kanila bilang kapalit ng Pagbibinyag. At kung tatanungin naman sila kung ano ang masasabi nila ukol kay Adan at sa kanyang mga anak na hindi natuli at hindi nabinyagan ngunit sila ay mapapasa-Paraiso ayon sa nakasulat sa kanilang mga kasulatan at pagkakaisa ng opinyon ng kanilang mga Pantas - sila ay hindi makasasagot dito. Ang saligan na ito ng Pagbibinyag na kanilang ginagawa ay kasinungalingan at naiiba sa Pagbibinyag na nasa Ebanghelyo.

Sa lahat ng Simbahang Katoliko ay mayroong sisidlan o tangke na gawa sa marmol o iba pang materyales na pinupuno ng tubig ng Pari, binabasahan ng mga talata mula sa Ebanghelyo, at nilalagyan ng asin at langis ng ilang uri ng mga halaman. Binibinyagan dito ang isang tao habang sumasaksi ang Pari at ilan pang mga Kristiyano. Ito ay isinasagawa nila sa harap ni Allaah ayon sa kanilang pagkukunwari. Sinasabi ng Pari sa binibinyagan habang siya ay ibinababa sa binyagan: “O Pulano, dapat mong malaman na ang pagiging Kristiyano ay ang paniniwala na ang diyos ay tatlo, na hindi ka makapapasok sa Paraiso maliban na lamang sa pamamagitan ng Pagbibinyag; na ang ating panginoon na si Jesus ay anak ng diyos, na siya ay nabuo sa sinapupunan ni Maria, na siya ay naging tao at diyos, diyos dahil sa kanyang ama at tao dahil sa kanyang ina, na siya ay naipako sa krus, namatay at nabuhay-muli matapos ang tatlong araw mula sa kanyang libingan, umakyat sa langit, at naupo sa kanan ng kanyang ama, na siya ang magiging tagahatol sa lahat ng nilikha sa Araw ng Paghuhukom; at ikaw ay mananampalataya sa kung anumang pinanampalatayanan ng simbahang ito. Aking anak! Ikaw ba ay sumasampalataya sa lahat ng ito?” Ang binibinyagan ay sasagot ng, “Opo!” (kung ang binibinyagan ay isang nasa edad na upang makapagsalita). Matapos ito ay kukuha ang pari ng isang dakot na tubig mula sa sisidlan na iyon at ibubuhos ito sa ulo niya habang nagsasabi, “Binibinyagan ka namin sa ngalan ng ama, ng anak, at ng espiritu santo.” Matapos ito ay pupunasan ang tubig sa kanyang ulo sa pamamagitan ng tuwalya at sila ay magsisilisan at siya ay nakapasok na sa relihiyong Kristiyanismo.

Ang pagbibinyag naman ng bata ay ginagawa sa ikawalong araw mula sa kanyang pagkapanganak. Siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa simbahan at ihaharap sa Pari at siya ay kakausapin ng Pari sa pananalitang nararapat sa matatanda (katulad mismo ng nabanggit kanina) at sasagot dito ang kanyang ama at ina sa pagsasabi ng “Opo!” at kakargahin nila ang bata at siya ay naging isa nang Kristiyano.

Dapat ninyong malaman na ang tubig na inilalagay ng mga Pari sa mga sisidlan na ito sa mga simbahan ay mananatili ng ilang taon o sa mas mahaba pang panahon na hindi bumabaho at hindi nagbabago ang katangian kaya nagtataka ang karamihan ng mga Kristiyano at sila ay naniniwala na ito ay dahil sa biyaya ng Pari at ng simbahan. Hindi nila nalalaman na ito ay dahil sa maraming asin at langis na pampabango na inilalagay dito at ang dalawang ito ay pumipigil sa pagkapanis ng tubig. Ang Pari din ay nagpapalit ng tubig nito sa gabi o sa mga oras lamang na walang makakakita sa kanyang sinumang ordinaryong Kristiyano (na hindi kabilang sa mga manggagawa sa simbahan) at ito ay kabilang sa mga panlilinlang ng mga Pari. Nang ako ay nasa kamangmangan pa sa relihiyon na iyon ay nakapagbinyag ako ng napakaraming ulit ngunit Alhamdulillaah (papuri kay Allaah) na gumabay sa akin tungo sa katotohanan at naglabas sa akin mula sa kadiliman tungo sa liwanag.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento