Biyernes, Abril 13, 2012

Papaano naliligtas ang mga tao bago pa man namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan?


Tanong: "Papaano naliligtas ang mga tao bago pa man namatay si Hesus para sa ating mga kasalanan?"

Sagot:
Mula noong mahulog ang tao sa kasalanan, ang batayan ng kaligtasan ay palaging sa pamamagitan lamang ng kamatayan ni Kristo. Walang sinuman, bago o matapos ang kamatayan ni Hesus sa krus, ang maaaring maligtas kung wala ang naturang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo. Ang kamatayan ni Kristo ay ang siyang naging kabayaran ng mga nakaraang kasalanan ng mga mananampalataya sa panahon ng lumang tipan at ang mga magiging kasalanan pa ng mga mananampalataya sa Bagong Tipan.

Ang batayan ng kaligtasan ay palaging sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang tinutukoy ng pananampalataya ng isang tao para sa kanyang kaligtasan ay palaging ang Diyos. Isinulat ng Salmista, "Mapalad ang yaong mga sumasampalataya sa Kanya” (Awit 2:12). Sinasabi rin sa atin ng Genesis 15: 6 na si Abraham ay naniniwala sa Diyos at sapat na iyon para sa Diyos na ituring siyang matuwid (tingnan ang Roma 4: 3-8). Ang sistemang sakripisyal sa Lumang Tipan ay hindi nakapagtatanggal ng kasalanan, tulad ng malinaw na itinuturo ng aklat ng Hebreo 9: 1-10: 4. Gayon man ang sistemang sakripisyal ay nagtuturo sa araw na kung saan ang Anak ng Diyos ay ibubuhos ang Kanyang dugo para sa mga makasalanang sangkatauhan.

Ang nagbabago lang sa paglipas ng panahon ay ang nilalaman ng pananampalataya ng isang mananampalataya. Ang batayan ng Diyos sa kung ano ang dapat sampalatayanan ay nakabase sa kabuuan ng kanyang paghahayag na Kanyang ibinigay sa sangkatuhan noong panahong iyon. Ito ay tinatawag na progresibong paghahayag. Naniniwala si Adan sa pangako na ibinigay ng Diyos sa Genesis 3: 15 na ang bunga ng isang babae ay ang siyang susupil kay Satanas. Naniwala si Adan sa Kanya, binigay Niya kay Adan si Eba (talata 20) at kaagad na ipinahiwatig ng Diyos ang kanyang pagtanggap sa pamamagitan ng pagtakip sa kanilang katawan ng balat ng kambing (talata 21). Sa ganoong punto iyon lang ang nalalaman ni Adan, subalit naniwala siya dito.

Naniwala si Abraham sa Diyos ayon sa mga pangako at bagong pahayag na ibinigay ng Diyos sa kanya sa Genesis 12 at 15. Bago pa man kay Moses, walang kasulatan ang naisulat, subalit ang sangkatauhan ay responsable sa kung ano ang inihayag ng Diyos. Sa kabuuan ng Lumang Tipan, ang mga mananampalataya ay naligtas dahil sila ay naniniwala na balang-araw ililigtas sila ng Diyos sa kanilang mga kasalanan. Ngayon, ating binabalikan, at naniniwalang binayaran na Niya ang ating mga kasalanan sa Kalbaryo (Juan 3:16; Hebreo 9:28).

Papaano naman ang mga mananampalataya sa panahon ni Kristo, bago pa man Siya ipako sa krus at ang Kanyang muling pagkabuhay, ano ang kanilang pinaniniwalaan? Nauunawaan ba nila ang kabuuan nang pagbuwis ng buhay ni Kristo para sa kanilang mga kasalanan? Sa huling bahagi ng Kanyang ministeryo, “Magmula noon, ipinaalam ni Hesus ang mga bagay na ito sa Kaniyang mga alagad. Sinabi Niya: Kailangan kong pumunta sa Jerusalem. Doon ay magbabata Ako ng maraming pahirap sa kamay ng mga matanda, mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan. Papatayin nila Ako at muli Akong mabubuhay sa ikatlong araw” (Mateo 16:21). Ano ba ang reaksiyon ng Kanyang mga disipulo sa ganitong mensahe? “Isinama siya ni Pedro at nagsimulang sawayin siya na sinasabi: Panginoon, malayo nawa ito sa Iyo. Hindi ito mangyayari sa Iyo.” (16:22). Si Pedro, at ang iba pang mga disipulo ay hindi nakakaalam sa buong katotohanan, subalit sila ay ligtas na sapagkat sila ay naniniwala na ang Diyos na ang siyang bahala sa kanilang mga problema sa kasalanan. Hindi nila eksaktong alam kung papaano ito gagawin ng Diyos, subalit sila ay naniwala sa Kanya.

Ngayon, mas marami tayong mga rebelasyon kumpara sa mga taong namuhay bago pa man ang muling pagkabuhay ni Kristo, alam natin ang kabuuang larawan. “Noong una, ang Diyos ay nagsalita sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nagsalita Siya sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. Siya ay hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Sa pamamagitan din Niya, nilikha ng Diyos ang mga kapanahunan” (Hebreo 1:1-2). Ang ating kaligtasan ay nakabase pa rin sa kamatayan ni Kristo, ang ating pananampalataya ay siya pa ring batayan ng ating kaligtasan, ang ang ating sinasampalatayanan ay ang Diyos pa rin. Ngayon ang nilalaman ng ating pananampalataya ay si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, Siya ay inilibing, at muling nabuhay sa ikatlong araw (1 Corinto 15:3-4).


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento